WebClick Tracer

ICC pinayagan naunang testimonya ng testigo sa kaso ni Digong

Pinayagan ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ang hiling ng prosekusyon na i-admit ang naunang recorded testimony ng isang key witness sa crimes against humanity case laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa 15-pahinang desisyon na may petsang Oktubre 2, inaprubahan ng korte ang paggamit ng testimonya ng testigong tinukoy sa code na “P-1100” alinsunod sa Rule 68(3) ng ICC Rules of Procedure and Evidence.

Noong Setyembre, hiniling ng defense team ni Duterte sa Chamber na ibasura ang naturang hiling ng prosekusyon.

Iginiit naman ng prosekusyon na naglalaman ang testimonya ng mahahalagang detalye tungkol sa umano’y patakaran para i-“neutralise” ang mga itinuturing na kriminal, gayundin sa umano’y modus operandi ng Davao Death Squad (DDS).

Samantala, in-admit din ng Chamber ang limang kaugnay na dokumento, kabilang ang pormal na ulat na isinulat at isinumite ng testigo.

“The Chamber is further satisfied that the introduction of P-1100’s prior recorded testimony will advance the expeditiousness of the proceedings, reducing the time required for his questioning by the Prosecution,” ayon sa ICC.

Gayunman, nilimitahan sa isang oras ang supplementary examination ng prosekusyon, sa halip na dalawang oras na hiling nito.

Nananatiling nakadetine sa ICC sa The Hague, Netherlands si Duterte, habang nagsimula na noong Nobyembre 30 ang trial sa kanyang kaso. (AC)