WebClick Tracer

‘Hindi siya surrogate ng prosekusyon’: Presscon ni Trillanes ‘freedom of speech’ – Luistro

Maituturing umano bilang “freedom of speech” ang paglalabas ni dating Senador Antonio Trillanes IV ng mga resulta ng sarili nitong imbestigasyon sa isang press conference kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Inihayag ito ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro sa panayam ng programang “Politiko Talks” ng Bilyonaryo News Channel.

Ayon kay Luistro, bagama’t maaaring pag-usapan kung may posibleng indirect contempt ang naturang hakbang, nakadepende umano ito sa pananaw ng mga sumusuri sa naging pahayag ni Trillanes.

“Well, first of all, hindi naman siya party to the impeachment trial. If at all, baka indirect contempt,” pahayag ng mambabatas.

Nang tanungin kung maaaring pumasok sa indirect contempt ang ginawa ni Trillanes, sinabi ni Luistro na nakadepende ito sa pananaw ng impeachment proceedings, ngunit personal niyang tingin dito ay bahagi lamang ito ng malayang pagpapahayag.

“But to be very honest, my opinion about that is, it’s simply freedom of speech,” aniya.

Dagdag pa niya, “And I think the people deserve to know the result of his investigation because it concerns the interest of the Filipino people.”

Samantala, itinanggi naman ni Luistro na nagsilbing “surrogate” ng House prosecution panel si Trillanes sa paglalabas ng mga impormasyong hindi maaaring talakayin ng mga prosecutor sa media dahil sa sub judice rule.

Ipinaliwanag ni Luistro na may sarili umanong ebidensiya si Trillanes at hindi ito kontrolado ng prosecution panel.

“Well, I think he has his own evidence, sabi niya, ‘di ba? Kaya nga he was saying during the presscon na ibibigay niya at i-share niya sa prosecution,” ani Luistro.

Binigyang-diin niya na may sarili ring set ng ebidensiya ang mga testigong ginagamit ng prosecution at kailangan pang makita kung magkakatugma ang mga ihaharap ni Trillanes sa mga dokumento at resibo ng mga testigo.

“Kaya ’yung isa-submit ni Senator Trillanes, we will have to wait and see kung ito ba, ‘pag ibinangga sa dokumento at resibo ng aming mga testigo, ay talagang magtutugma,” ani Luistro.

“And Trillanes is never a surrogate. He’s just his own man. No one can control him,” giit pa ng lead prosecutor.

Panoorin ang buong panayam kay Luistro sa October 2 episode ng “Politiko Talks”.

Maaari namang abangan ang programa tuwing Biyernes, 8:00 ng gabi, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook. (AM)