WebClick Tracer

Higit 1K bus saklaw ng special permit applications para sa Undas – LTFRB

Aabot sa higit 1,000 bus ang sakop ng mga nag-apply sa special permit para makabiyahe sa paggunita ng Undas ngayong taon, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon sa LTFRB, umabot sa 356 ang bilang ng mga natanggap nitong aplikasyon, kung saan saklaw nito ang 1,003 bus kabilang ang mga rutang papunta at pabalik sa Metro Manila at iba pang urban area.

Matatandaan naman na noong nakaraang taon ay 847 bus ang nabigyan ng special permit.

Samantala, pinabibilis na umano ng LTFRB ang pagproseso ng naturang permit dahil inaasahang pagdami ng mga pasahero.

Ayon kay acting LTFRB Chairman Greg Pua Jr., mahigpit na susuriin ang roadworthiness ng mga bus at kahandaan ng mga driver upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at iba pang road users.

Inatasan din ang mga regional office na inspeksyunin ang mga bus terminal at tiyaking sumusunod ang mga operator sa basic facility requirements.

Maaari naman umanong maparusahan ang mga operator kapag napatunayang naging reckless ang kanilang mga driver. (AM)