Arestado ang isang 53-anyos na Chinese national matapos umanong ibenta ang pekeng iPhone 17 Pro Max sa isang 22-anyos na may-ari ng coffee shop sa Cebu City.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Pan Quinhai, mula sa Shanghai, China, na nahuli noong Oktubre 1.
Inalok umano ng suspek ang cellphone sa halagang P35,000.
Matapos makuha ang buong bayad, agad siyang umalis ngunit napansin ng biktima na napalitan na ang ipinakitang cellphone ng isang counterfeit na unit.
Hinabol ng biktima ang suspek at naharang ito sa tulong ng mga bystander.
Ayon sa pulisya, hindi umano ito ang unang insidente na kinasangkutan ng suspek.
Dati rin umano siyang nagbenta ng pekeng cellphone sa Talisay City gamit ang dahilan na kailangan niya ng pera para sa ticket pabalik ng China.
Inihahanda na ang mga kaso laban sa Chinese, habang pinaalalahanan ng pulisya ang publiko na maging maingat sa pagbili ng mga mamahaling gadget mula sa hindi kilalang nagbebenta. (AM)


