Umaabot umano sa 40% hanggang 60% ng arawang kita ng mga TNVS driver ang napupunta sa gastos sa gasolina dahil sa mataas na presyo ng langis, ayon kay United Transportation Coalition Philippines Inc. (UTCPI) President Lisza Buscaino-Redulla.
Sa panayam ni Pinky Webb sa programang “On Point” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Buscaino-Redulla na malaki ang epekto nito sa mga pamilyang umaasa sa TNVS bilang pangunahing pinagkakakitaan, lalo na sa pambayad sa pagkain, pag-aaral at utility bills.
“Siguro, let’s put it at 40 to 60 percent ang nakakain sa kita. So that’s a lot. Para sa pamilyang umaasa lang dito sa trabaho na ito. Pag-aaral, pagkain, utility bills. Basic needs. Basic needs pa lang kulang na kulang,” ani Buscaino-Redulla.
Dahil dito, nanawagan ang UTCPI na maisama ang TNVS at motorcycle taxi drivers sa fuel discount program ng pamahalaan.
Ayon kay Buscaino-Redulla, nakatatanggap ng fuel discount ang ilang sektor tulad ng mga jeepney at tricycle driver, habang hindi kabilang ang mga TNVS at motorcycle taxi driver.
“Like para sa mga jeeps, mga tricycles, nabibigyan sila ng 12 pesos per liter na discount. Pero kami hindi po kami kasali doon,” ani Buscaino-Redulla.
Sinabi rin niyang hindi nila alam kung bakit hindi kasama ang TNVS drivers sa programa, bagama’t tingin niya ay maaaring may kaugnayan ito sa kawalan pa ng isang batas na partikular na sumasaklaw sa TNVS sector.
Sinabi pa ni Buscaino-Redulla na matagal na nilang isinusulong ang TNVS bill, na aniya ay maaaring makatulong sa pag-aayos ng mga concern ng industriya.
“Marami sana siyang mako-correct. Marami sana siyang maaayos kung pagbibigyan na po ‘yung TNVS bill na,” ani Buscaino-Redulla.
Sinabi niyang mula pa noong 2018 ay nakikilahok na siya sa mga pag-uusap tungkol sa panukala, ngunit aniya ay paulit-ulit lamang ang konsultasyon dahil sa pagpapalit ng mga opisyal at lider ng pamahalaan.
Samantala, sinabi ng UTCPI president na malaki pa rin ang maitutulong ng pag-apruba sa mga panukalang hakbang para sa TNVS drivers, kahit matagal nang inihain ang kanilang petition.
Ayon sa kanya, tatlong taon na mula nang ihain nila ang petition noong 2023, at malaking bahagi ng kita ng mga driver ang patuloy na kinakain ng pagtaas ng presyo ng gasolina.
Nanawagan din siya ng suporta mula sa gobyerno, mga transportation network company, at iba pang stakeholders, kabilang ang fuel discounts, pagbabawas o pagtanggal ng excise tax at mga incentive program para sa drivers.
“We really need help from all stakeholders. From the government especially. Malaking bagay ‘yung fuel discount na masama kami doon,” ani Buscaino-Redulla.
Panoorin ang buong panayam kay Buscaino-Redulla sa October 2 episode ng “On Point”.
Maaari namang abangan ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, 7:30 ng gabi, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook. (AM)


