Umabot sa 244 dayuhan, karamihan ay Chinese nationals, ang nasakote sa magkahiwalay na operasyon laban sa umano’y illegal POGO-related activities sa Zamboanga Sibugay.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), isinagawa ang operasyon noong Oktubre 2 sa Barangay Kimos, Siay at Barangay Tandiong Muslim, Alicia, sa bisa ng magkahiwalay na mission order.
Sa Siay, 113 dayuhan ang inaresto, kabilang ang 110 Chinese, dalawang Cambodian at isang Hong Kong national. Sa Alicia naman, 131 dayuhan ang nasakote, karamihan ay Chinese, kasama ang mga national mula Malaysia, Indonesia at Myanmar.
Patuloy pang bineberipika ng BI ang pagkakakilanlan at nasyonalidad ng mga nasakote.
Iniimbestigahan ang mga dayuhan dahil sa umano’y paglabag sa immigration laws, kabilang ang pagtatrabaho nang walang kaukulang work visa, pagiging undesirable dahil sa umano’y pagkakasangkot sa POGO-related activities, pagiging undocumented at illegal entry.
Nasamsam din sa isang compound ng Casa de Coco Pension House ang 78 computer monitors, nasa 3,000 cellphone, laptops at mga SIM card. Ayon sa BI, may mga technical device ding narekober na pinaniniwalaang ginagamit sa online scams.
Bahagi ang operasyon ng patuloy na pagpapatupad ng Executive Order No. 74, series of 2024 at Republic Act No. 12312 o Anti-POGO Act of 2025, na nagbabawal sa POGO at offshore gaming operations sa bansa.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na patuloy nilang ipatutupad ang immigration laws laban sa mga dayuhang lumalabag sa kondisyon ng kanilang pananatili sa Pilipinas.
Nakikipag-ugnayan din ang BI sa iba pang law enforcement agencies para imbestigahan ang posibleng human trafficking-related violations na maaaring lumitaw sa operasyon.
Sasailalim sa kaukulang deportation proceedings ang mga nasakoteng dayuhan. Kapag may inilabas na deportation order, ilalagay ang kanilang mga pangalan sa BI blacklist at pagbabawalang makapasok muli sa Pilipinas. (AC)


