Dalawang estudyante ang nasawi sa isang fun run sa Cauayan South Central School sa Cauayan City, Isabela nitong Sabado, Oktubre 3.
Kinumpirma ito ng Schools Division Office ng Cauayan City sa isang pahayag.
“We mourn the loss of two learners and extend our deepest sympathies to their families and our sincere concern and support to those affected,” pahayag nito.
Patuloy umanong nakikipag-ugnayan ang paaralan at Schools Division Office sa lokal na pamahalaan at iba pang kaukulang ahensya para sa kinakailangang tugon at assistance.
Iniimbestigahan na umano ng mga awtoridad ang insidente, habang nakikipagtulungan naman ang Schools Division Office sa isinasagawang imbestigasyon.
Hinimok din nito ang publiko na iwasang magpakalat ng espekulasyon at hindi beripikadong impormasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nanawagan din ito na igalang ang privacy ng mga estudyante at kanilang pamilya, partikular sa pagbabahagi ng kanilang mga pangalan, larawan, video at iba pang pagkakakilanlan.
“We ask for compassion and understanding for the bereaved families and all those affected, and for their privacy to be respected during this difficult time,” dagdag nito. (AC)


