WebClick Tracer

14 distressed OFWs, 3 dependents mula Lebanon nakauwi na sa ‘Pinas

Nakauwi na sa Pilipinas ang 14 distressed overseas Filipino workers (OFWs) at tatlo nilang dependents mula Lebanon, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) nitong Sabado.

Ayon sa OWWA, dumating ang mga OFW at kanilang mga dependent noong Oktubre 2 sakay ng Qatar Airways flight QR928 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Pagdating sa bansa, agad umano silang inasikaso ng OWWA at Department of Migrant Workers (DMW), katuwang ang MIAA Medical Team, para sa kanilang mga pangangailangan at medical assistance.

Sa pamamagitan ng OWWA Regional Welfare Offices, sinabi ng ahensya na maaari ring ma-access ng mga OFW at kanilang pamilya ang iba’t ibang programa at serbisyo, kabilang ang tulong para sa kanilang pagbabalik at reintegration sa kanilang mga komunidad.

Ayon sa OWWA, bahagi ito ng Alagang OWWA, isang serbisyong sumusuporta sa mga OFW sa iba’t ibang yugto ng kanilang buhay, mula sa pagtatrabaho sa ibang bansa hanggang sa kanilang pag-uwi at muling pagsisimula sa Pilipinas. (AC)