WebClick Tracer

TUPAD funds kinatay

Binawasan ng small committee ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pondo para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Nitong Huwebes ay pormal na nagpulong ang mga miyembro ng Budget Amendments Review Committee (BARC) na inabot ng hating gabi para sa pinal na amyenda sa House Bill (HB) 10858 o General Appropriations Bill (GAB) na naghahalaga ng P7.2 trilyon.

Base sa napagkasunduan ng BARC na binubuo ng mga tig-tatlong kinatawan ng mga political parties bukod sa minority at majority bloc, binawasan ng mga ito ang pondo ng TUPAD para ilipat sa ibang programa na mas kailangan umano ng mga tao.

Sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP), binigyan ng Department of Budget ang Management (DBM) ng P14,.2 bilyon ang TUPAD program ng DOLE para sa susunod na taon mula sa P11 bilyong ngayong 2026.

Gayunpaman sa bersyon ng BARC, bibigyan lang ang mga ito ng P5 bilyon sa susunod na taon ang TUPAD program o nabawasan ito ng P9.4 bilyon.

Ang TUPAD ay kabilang sa ayuda program ng gobyerno na kinokontra ng mga progresibong mambabatas dahil ginagamit lamang umano ito ng mga pulitiko at pinipili lamang ang nakikinabang.

Sa ilalim ng nasabing programa, pagtrabuhin ang mga tao ng isang linggo at babayaran base sa minimum wage na umiiral sa kanilang lugar subalit kontra dito ang Makabayan bloc dahil ginagamit lamang umano ito ng mga pulitiko para mapagtatag ang kapit ng mga ito sa pulitika.

Maging ang DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Programs (DILEEP) ay nakatikim din ng matinding katay dahil mula sa P2.2 bilyon sa NEP ay P113 milyon na lamang ito sa bersyon ng BARC.

Ang DILEEP ay tulong diumano sa mga mahihirap na manggagawa at emergency employment sa mga walang trabaho. (Bernard Taguinod)