Pinuna ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio ang P77.86 bilyong “pork-type” amendment na inaprubahan ng House Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc) para sa panukalang 2027 national budget.
Sinabi ni Tinio na ang “pork-type” amendments ay katumbas ng 67% ng kabuuang P116.32 bilyong amendment na inaprubahan ng BARSc sa deliberasyon nitong Huwebes.
Sinabi niyang napunta ang P77.86 bilyong dagdag sa capital outlay ng DPWH, Local Government Support Fund (LGSF), farm-to-market roads, Health Facilities Enhancement Program (HFEP), Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), TUPAD, at Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
“These amendments show that pork has not disappeared from the national budget. It has merely been repackaged under institutional amendments, local government support, infrastructure lump sums, and cash assistance programs,” sabi ni Tinio. “Pinalaki ang infrastructure pork at ayuda.”
Samantala, sinabi ni Tinio na walang karagdagang pondo para sa Personnel Economic Relief Allowance (PERA), sa kabila ng panawagang itaas ang kasalukuyang panukalang dagdag na P500 kada buwan para sa mga empleyado ng gobyerno bukod sa kasalukuyang P2,000.
“They have been waiting 17 years for a PERA increase. Neither were amendments provided for teacher pay or additional plantilla positions. DepEd’s P6.61-billion request for ARAL and learning recovery was not acted upon, while ARAL received only P350 million. These figures expose the distorted priorities of the amendments,” sabi ni Tinio.
Ayon kay Tinio nakatanggap ang LGSF ng karagdagang P4.09 bilyon, dahilan upang umabot sa P62.62 bilyon ang panukalang alokasyon nito na siyang pinakamataas na inilaan sa naturang programa.
Inaprubahan din ng BARSC ang P11.49 bilyong institutional amendments para sa DPWH, P4.96 bilyon para sa farm-to-market roads, at P1 bilyon para sa bagong locally funded projects sub-program ng NIA.
Binanggit din ni Tinio na ilang malalaking amendment ang iniharap nang walang tinukoy na proyekto o lokasyon.
“Mapanganib ang malawak na kapangyarihang ‘mag-modify’ ng mga proyekto matapos maipasa ang badyet. Puwedeng magbago ang lokasyon, saklaw, o tunay na benepisyaryo. Kailangang limitahan ito sa pagwawasto ng malinaw na clerical errors, hindi sa paglilipat o pagpapalit ng mga proyekto,” sabi ng solon.
Iginiit din ng mambabatas na isang panig lamang ng ledger ang ipinakita ng mga inaprubahang amendment, dahil hindi tinukoy ng BARSc ang mga partikular na item, ahensya, o halaga na tatapyasan upang pondohan ang mga iminungkahing dagdag.
“No offsetting cuts were identified, and no grand total was announced. Sinasabi nilang kukunin ang pondo sa ‘slow-moving’ items at mababang utilization, pero walang tinukoy na ahensya, programa, o halaga. Kailangang ilabas ang buong listahan ng pinagkunan bago umusad ang panukalang badyet,” sabi ni Tinio.
“Hindi puwedeng dagdagan ang discretionary funds habang tinatapyasan o nilalagay sa alanganin ang mga serbisyong dapat direktang napapakinabangan ng mamamayan. The House must show both where the money is going and what programs will pay for it,” dagdag pa ng solon. (Billy Begas)


