WebClick Tracer

Speaker Dy muling iginiit halaga ng edukasyon

Muling tiniyak ni Speaker Faustino Dy III ang commitment ng Kamara de Representantes na bigyang-prayoridad ang edukasyon at iginiit ang pangangailangang mamuhunan sa mga guro, estudyante at mas ligtas na mga paaralan.

“Nakita po natin na napakahalaga po ng edukasyon sa bawat lugar, sa bawat barangay, sa bawat bayan at lungsod,” sabi ni Dy sa ikalimang leg ng LegisHear sa Victorias City, Negros Occidental nitong Biyernes.

“Pare-parehas po ang ating paniwala na ang tanging edukasyon, matatag na pundasyon ng edukasyon, ay isang parte na para mabigyan natin ng magandang kinabukasan ang bawat Pilipinong kabataan sa ating bansa,” dagdag pa nito.

Dumating si Dy sa Victorias matapos nitong samahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Biyernes ng umaga sa Isabela, kung saan nanumpa ang mahigit 4,000 educator at non-teaching personnel na na-promote sa ilalim ng Expanded Career Progression Program o bagong pasok sa Department of Education.

Binati rin ni Dy ang mga gurong dumalo sa LegisHear sa pagdiriwang ng National Teachers’ Month at pinasalamatan sila sa kanilang papel sa paghubog sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

“Napakahalaga ng inyong tungkulin sa ating lipunan na hinuhubog natin ang kinabukasan ng ating mga kabataan,” sabi ni Dy. “Pinag-iingatan natin at tinitiyak natin na bawat sentimo na pinagpawisan ng ating mga kababayan ay tama ang paglalagyan nito.”

Bukod sa pagbibigay ng pondo, sinabi ni Dy na kailangang direktang pakinggan ng Kongreso ang mga guro, magulang, lokal na opisyal, at mga komunidad tungkol sa mga problemang kinakaharap ng mga estudyante sa loob at labas ng mga paaralan.

Sinabi ni Dy na isa ito sa mga layunin ng LegisHear, na sinimulan sa Isabela at nakarating na sa Butuan, Dumaguete, South Cotabato, at ngayon ay sa Negros Occidental.

Iginiit ng lider ng Kamara na ang mga konsultasyon ay nakakapagbigay ng pagkakataon sa mga ordinaryong mamamayan at stakeholder na maglahad ng kanilang mga concern at magmungkahi ng mga solusyon na maaaring isaalang-alang ng mga mambabatas sa paggawa ng panukalang batas.

Hinimok ni Dy ang mga kalahok sa LegisHear na patuloy na ibahagi ang kanilang mga karanasan at rekomendasyon upang makatulong ang mga ito sa pagbuo ng mga batas na tumutugon sa aktwal na pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino at mga estudyante. (Billy Begas)