Ipagbabawal sa Pilipinas ang mga sex toy at sex doll na kawangis ng mga bata sa sandaling pirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang “Child Online Safety and Protection Act of 2026” na niratipikahan na sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Ito ang isa sa mga nilalaman ng nasabing panukala na ang pangunahing layunin ay parusahan ng habambuhay ng pagkakulong at multang hindi bababa sa P2 milyon ang mga masasangkot sa Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM).
Base sa nasabing panukala, ipagbabawal ang “production, manufacture, creation, design, assembly, importation, sale, offer, distribution, advertisement, promotion, procurement, possession, or use of a child-like sex doll, mannequin, robot, device..”.
Kasama din sa nasabing panukala ang pagbabawal sa pagkuha ng kalarawan sa maseselang parte ng katawan ng mga bata at saka ipopost sa social media.
Maging ang mga porn materials na gawa ng Artificial Intelligence (AI) ay ipagbabawal na rin kapag tuluyang maging batas ang nasabing panukala na ipinasa ng Kongreso sa gitna ng lumalalang online child exploitation.
Sa ilalim ng panukalam sinuman ang mapapatunayang guilty sa paggawa ng mga materyales tulad ng video gamit ang mga bata ay paparusahan ng habambuhay na pagkakabilanggo at pagmumultahin ng hanggang P2 milyon.
Kahit pumayag ang biktima kapalit ng pera ay hindi pa ring makakaiwas sa nasabing parusa ang mga masasangkot lalo na kung ang mga ginawang materyales ay pinagkakitaan ng mga ito o ikinalat sa social media.
Maging ang mga internet provider at mga social media platforms na ginagamit ng mga sangkot sa child exploitation ay mahaharap pagmumultahin ng P5 hanggang P10 milyon bawat paglabag kapag naging ganap na itong batas.
Maliban dito, maaari ding makulong mula 6 na taon hanggang 12 taon ang mga opisyales ng mga internet providers at mga social media platform kapag hinayaan ng mga ito na magamit sila ng mga child sex offenders. (Bernard Taguinod)


