Nailigtas ng Philippine Eagle Foundation (PEF) ang isang batang Philippine Eagle na pinangalanang “Magpet” matapos matagpuang mahina sa Barangay Manobo, Magpet, Cotabato noong gabi ng Setyembre 27.
Ayon sa PEF, tinatayang limang taong gulang at presumed female ang agila na tumitimbang ng 5.15 kilo.
Sa isinagawang X-ray, nakita na may tatlong airgun pellets na nakabaon sa katawan ni Magpet.
Isa sa mga pellet ay malapit sa kanang pakpak, isa sa kanang paa at ang isa naman ay nasa may ilalim ng buntot.
Dalawa sa mga pellet ang natanggal ng beterinaryo dahil malapit ang mga ito sa ibabaw ng balat. Isinagawa ang pagtanggal sa ilalim ng local anesthesia.
Walang nakitang sariwang sugat sa agila sa unang pagsusuri, na nangangahulugang maaaring matagal nang dala ng agila ang mga pellet na ito.
Sa kabila nito, sinabi ng PEF na nananatiling alerto at responsive si Magpet.
Matapos matagpuan, unang dinala ang agila sa Department of Environment and Natural Resources–Community Environment and Natural Resources Office bago ito ipinagkatiwala sa PEF para sa pagsusuri, gamutan at rehabilitation.
Patuloy ngayon ang close veterinary care kay Magpet habang sumasailalim ito sa treatment at rehabilitation.
Para sa isang agila, kahit isang tama lang ay maaaring mangahulugan ng bali ng buto, impeksiyon, pagkawala ng kakayahang lumipad o kamatayan.
Ang insidente ay isa na naman umanong paalala sa patuloy na banta sa Philippine Eagle, isa sa mga pinakamadalang na agila sa mundo. (IS)


