Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng layunin ng Chinese research vessel na namataan sa karagatan sa Batanes, kabilang ang posibilidad na may kaugnayan ito sa mga undersea cable sa lugar.
Inihayag ito ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela sa panayam ng “At the Forefront” ng Bilyonaryo News Channel.
Ayon kay Tarriela, may kakayahan ang mga naturang uri ng sasakyang pandagat, tulad ng namataang barko ng China na Jia Hai Ke 7, na magkabit o magputol ng mga undersea cable.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang PCG sa iba pang ahensya ng gobyerno at mga pribadong telecommunications company upang matukoy ang eksaktong lokasyon ng mga kable sa lugar.
“Right now we are coordinating with other government agencies and private telcos to identify coordinates of cable that can be located there. So we can make a conclusion on the specific coordinates that China has been surveying in that area, if it’s related to that cable or not,” ani Tarriela.
Samantala, sinabi ng PCG na pinaalis ng BRP Teresa Magbanua ang Chinese vessel sa naturang lugar noong Huwebes.
Inihayag din ni Tarriela na may mga Chinese vessel umanong may kakayahang itago o baguhin ang kanilang eksaktong lokasyon na nakikita ng mga awtoridad, isang gawain na ayon sa opisyal ay ilegal.
Panoorin ang panayam kay Tarriela sa October 2 episode ng “At the Forefront”.
Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas-10:30 ng umaga, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook. (AM)


