Tikom man ang bibig ni Jennylyn Mercado sa inilabas na statement ng kanyang ex na si Patrick Garcia, tila ayaw naman paawat ng kanyang mister na si Dennis Trillo na dikdikin, patulan ang pahayag nito laban sa kanyang misis. Mas kabisado ni Dennis kung paano pukawin ang emosyon ng mga nasa social media, kaya naman bawat hirit nito ay ikinaaliw ng mga netizen.
Nagsimula ang lahat sa exclusive interview ni Ogie Diaz kay Patrick, kung saan sinabi nitong apektado ang kanyang anak na si Michelle sa mga basher sa social media, na ang sinisisi ay siya, bunga ng masalimuot nitong nakaraan kay Jennylyn.
Iginiit naman ni Patrick na 2017 pa ay pinutol na ni Jennylyn ang kanilang komunikasyon para sa kanilang anak na si Alex Jazz, kaya buhat noon ay hindi na siya nakapagsustento dito.
Sensitibo ang usapin, lalo na’t mga menor de edad ang nasasangkot sa isyu nila. Ngunit binasag ni Dennis ang kanyang katahimikan sa pag-post sa kanyang social media.
“Hindi ako pabor sa bashing, pero salamat at naalala mo si Jazz dahil na bash ang anak mo. Spread Love not Hate [heart emoji],” ani Dennis.
Ngunit hindi dito nagtapos ang mga patutsada, parinig ni Dennis. Kada post niya ngayon ay iniuugnay ng mga netizen sa mainit na isyung ito.
“Gusto mo dance showdown na lang tayo eh!!! Kapag naka-10k likes… ituloy natin ang dance battle,” post pa ni Dennis sa Facebook.
Lumagpas pa sa inaasahang 10K likes ang post niyang iyon, kaya naman hirit pa niya:
“Basta kalokohan ang bilis niyo din ano… Joke lang po, wag niyong seryosohin. Walang showdown na magaganap.”
“Wag na kayong umasa, walang magaganap na showdown! Alam na naman natin sino mananalo, joke lang po,” ayon pa sa mister ni Jennylyn.
“I love bags. Ikaw din ba?” isa pa sa mga post ni Dennis. Tawang-tawa ang mga netizen sa tanong niya rito na, “Ikaw? Ano ang bag mo?” at ang pagbibida niya sa dala niyang red tote bag na may nakasulat na “Not Today Satan”.
Na gets na gets naman nilang meaning nito ay kung ano raw ang ambag ni Patrick, o sustento sa kaniyang anak kay Jen.
“Hahahah grabe yung humor [LOL emoji]. Akalain mo naipasok mo pa yung Ano ang bag mo (AMBAG),” say ng isang netizen.
May hanash pa si Dennis na “Wag maghuhas [maghugas] ng kamay sa kanal.”
Huling-huli nga ni Dennis kung paano laruin, i-engage ang mga netizen, dahil kumbaga, this is his world, outside of the showbiz industry.
Pero dahil sinabi na nga niya noong umpisa na spread love, not hate, nananawagan pa rin siya na itigil ang bashing sa social media.
“Simula bukas, tigil na po ang bashing ok? Mag mahalan na tayo ulit, past is past, magpapasko na at kawawa na ang mga bata,” post naman ni Dennis sa Threads nitong Huwebes.
Sa sobrang ingay ng isyu na ito, hindi maiwasang madawit ang mga pangalan ng ilang celebrity dads at ang kanilang ibinibigay na sustento sa kani-kanilang anak sa mga ex nila. (Jun Lopez)


