WebClick Tracer

Palasyo sinabing pagtataksil sa bayan ang pagtanggap umano ni VP Sara ng pera sa China

Maituturing na pagtataksil sa bayan at sa mga Pilipino kung mapapatunayan ang ibinunyag ni dating Senador Antonio Trillanes IV na tumanggap umano ng pera mula sa gobyerno ng China si Vice President Sara Duterte.

Ito ang inihayag ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na aniya ay hindi dapat na balewalain lalo pa at ito ay isang public official.

Ayon kay Castro, hindi maghuhusga sa ngayon ang administrasyon ngunit dapat na malaman ng taumbayan kung may basehan ang mga inihayag ni Trillanes.

Sinabi ni Castro na ang mga kumukunsinti sa ganitong gawain ay dapat na kalusin agad at huwag hayaang ang ibang opisyal pa ang dudurog sa sariling bansa.

Kaya pala aniya tahimik ang opisyal sa mga nagaganap na karahasang naranasan ng mga mangingisda at puwersa ng gobyerno sa kamay ng Chinese coast guard at Chinese militia dahil handang ipamigay ng iba ang bahagi ng teritoryo sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Castro na dahil sa pera ay kayang ipagpalit ng ibang opisyal ang pagmamahal sa sariling bayan at ibenta ang kalayaan ng bansa. (Aileen Taliping)