Nasawi ang isang 70-anyos na lalaki matapos saksakin umano ng kanyang manugang sa Barangay 3, Lipa City, Batangas, dakong alas-5:30 ng madaling-araw nitong Huwebes, Oktubre 1.
Kinilala ng Lipa City City Police Station ang biktima sa alyas na “Casiano,” biyudo at residente ng nasabing lugar.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nasa labas ng kanilang bahay ang biktima nang dumating ang suspek na armado umano ng patalim at ilang ulit in tong inundayan ng saksak.
Nagtamo ang biktima ng malalim na sugat sa kanang kilikili at agad na isinugod sa pagamutan, ngunit idineklarang dedo on arrival.
Tumakas naman ang suspek na kinilala sa alyas na “Tukis,” 48-anyos, residente rin ng Barangay 3 at manugang ng biktima, sakay ng isang itim na Yamaha Aerox at dala ang ginamit umanong patalim.
Selos ang tinitingnan anggulo ng pulisya sa krimen.
Patuloy ang hot pursuit at dragnet operations ng Lipa City Police upang matunton at madakip ang suspek. (Ronilo Dagos)


