Imbes na bawasan, pinalobo pa umano ng House Budget Amendments Review Subcommittee (BARSC) ang pondo ng Local Government Support Fund (LGSF), na ayon kay ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio ay “pork barrel” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Tinio, mula sa P58 billion LGSF na nakalista sa National Expenditure Program (NEP) ay dinagdagan pa ito ng P4.09 billion kaya umaabot na ito sa P62.62 bilyon kung saan kasama aniya ito sa P77.86 billion na pork barrel umano sa 2027 national budget.
Sa kasalukuyang taon ay P57 bilyon ang LGSF na ayon kay Tinio ay hindi detalyado kung anong proyekto at sinong mga Local Govrenment Units (LGUs) ang bibigyan dahil ipinaubaya aniya ng Kongreso kay Marcos ang desisyon sa nasabing pondo.
Unang nagbanta ang kagrupo ni Tinio na si Gabriela party-list Rep. Sarah Elago at Caloocan City Rep. Edgar Erice na kukuwestiyonin ng mga ito sa Korte Suprema ang LGSF sa sandaling lagdaan ng pangulo ang 2007 national budget.
“The BARSC also approved Php 11.49 billion in DPWH institutional amendments, P4.96 billion for farm-to-market roads, and P1 billion for a new NIA (National Irrigation Administration_ locally funded projects sub-program,” ani Tinio.
Tulad aniya ng LGSF, hindi aniya naka-itemized ang mga proyektong idagdag ng BARC sa DPWH, Department of Agriculture (DA), locally fund projects ng Department of Transportation (DOTr), the Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ng Department of Health (DOH),NIA, na itinuturing nito bilang pork barrel at bulnerable sa katiwalian.
“Dapat maging bukas sa publiko ang buong budget trail—mula sa nagmungkahi, patungo sa pinondohan, hanggang sa aktuwal na gumastos. Kung walang transparency sa pinagmumulan at paggamit ng pondo, mananatiling itong pork barrel kahit palitan ang pangalan,” paliwanag ng mambabatas.
Maliban sa mga nabanggit, umaabot din umano sa P65.77 bilyon ang inilaan sa ayuda tulad ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), TUPAD at Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
“Cash assistance cannot substitute for permanent and universal public services. Mahalaga ang ayuda pero kailangang pondohan ng sapat ang ospital, silid-aralan, guro, health worker para sa may kalidad ang serbisyo,” ayon pa kay Tinio. (Bernard Taguinod)


