Itinulak ng Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc) ng House Committee on Appropriations na dagdagan ang budget para sa iba’t ibang social protection program ng gobyerno sa susunod na taon.
Inaprubahan ng BARSc ang panukalang dagdag sa isinagawang deliberasyon noong Huwebes ng gabi, ilang araw bago ang period for amendments sa panukalang 2027 national budget sa plenaryo ng House of Representatives sa Lunes, Oktubre 5.
Walang tumutol sa pagdaragdag ng P25.806 bilyon sa budget ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na nasa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program, may budget itong P33.3 bilyon.
Binigyan naman ng karagdagang P24,965,776,000 ang Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program ng Department of Health (DOH). Sa ilalim ng NEP, mayroon itong P24.2 bilyong alokasyon.
Naglaan din ang BARSc ng karagdagang P5 bilyon para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced (TUPAD) Workers program ng Department of Labor and Employment (DOLE). May P11.04 bilyon itong alokasyon sa ilalim ng 2027 NEP.
Binigyan naman ng P10 bilyon ang Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk (PAFF) sa ilalim ng Department of Agriculture (DA). Wala itong alokasyon sa ilalim ng NEP.
Samantala, binigyan ng karagdagang P1.766 bilyon ang Tulong Dunong Program ng Commission on Higher Education (CHED).
Isusumite ng BARSc ang mga iminungkahing ameyenda sa Appropriations committee upang maisama ang mga pagbabago sa panukalang P7.2-trilyong budget, na kasalukuyang nakabinbin sa second reading ng Kamara de Representantes. (Billy Begas)


