WebClick Tracer

Imee Marcos: No-el sa 2028 hindi imposible

Ayon kay Senadora Imee Marcos, walang kapangyarihan ang Kongreso na magtakda ng termino ng mga lokal at nasyonal na opisyal.

Ito ay kasunod ng pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa ilalim ng Republic Act No. 12326, kung saan nakatakda na ang susunod na BSKE ay sa Nobyembre 2028 pa.

“Malinaw na ang probisyon ng Omnibus Election Code sa pagpapaliban ng halalan ay hindi puwedeng gawin para sa buong bansa, lalo na para sa matagalang pagpapaliban,” diin ni Marcos.

“Hanggang sa barangay at SK lang ang sakop ng kapangyarihan nila,” dagdag pa ng senadora.

Gayunman, nagbabala siyang huwag magpakasigurado.

“Nakita naman natin sa mga nakalipas na araw, kapag nakasagabal ang batas sa gusto ng administrasyon, binabaluktot nila ito. Kaya hindi imposible ang no-el sa 2028,” sabi niya.

Sa budget hearing noong Lunes, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na susunod ang komisyon sa anumang desisyon ng Korte Suprema.

Pero kung matutuloy pa rin ang eleksyon, kakailanganin ng komisyon ng mas mahabang panahon para makapaghanda. Sa ngayon, malabo nang maidaos ang halalan sa Nobyembre 2. (Dindo Matining)