Itinulak ni Parañaque City Rep. Brian Yamsuan ang P673 milyong dagdag sa panukalang budget para sa susunod na taon ng Presidential Communications Office (PCO) at mga attached agency nito upang mapahusay ang kakayahan ng pangunahing communications arm ng gobyerno.
Inaprubahan ang panukala ni Yamsuan sa deliberasyon ng Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc) ng House Committee on Appropriations noong Huwebes.
“Information is not just knowledge, it is a foundation of accountability, and an informed public is better equipped to ask questions, challenge, and consistently demand responsible action if it is well informed,” sabi ni Yamsuan, vice chairperson ng House Committee on Public Information.
Iminungkahi ni Yamsuan ang karagdagang P35.985 milyon para sa Intercontinental Broadcasting Corp. (IBC-13), P12 milyon para sa Philippine Information Agency (PIA); P600 milyon para sa People’s Television Network Inc. (PTV-4); at P25 milyon para sa pagtatatag at pagpapatakbo ng mas maraming Bangon Pilipinas studios sa buong bansa.
Sinabi ng mambabatas na makatutulong ang mga iminungkahing institutional amendments para mapanatili sa trabaho ang mga empleyado ng IBC-13 at posibleng maiwasang mawalan ng operasyon ang istasyon. Walang subsidy na inilaan sa IBC-13 sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP) dahil sa status nito bilang isang government-owned and -controlled corporation (GOCVC) na isinasaalang-alang para sa privatization.
Ang P600 milyong augmentation para sa PTV-4, ayon kay Yamsuan, ay magbibigay-daan dito upang mapahusay ang “capacity to operate as an active, credible and multi-platform public service network.” Sa ilalim ng 2027 NEP, P138.38 milyon lamang ang panukalang budget para sa PTV-4.
Sinabi ni Yamsuan na gagamitin ang karagdagang P12 milyong alokasyon sa PIA para sa pansamantalang pag-upa ng office space habang nire-retrofit ang headquarters nito sa Quezon City.
Dagdag pa ng solon, ang pagtatatag ng mas maraming Bangon Pilipinas studios sa buong bansa ay magbibigay sa mas maraming independent content creators, podcasters at local media practitioners ng libreng access sa state-of-the-art broadcast at production facilities. Layunin ng mga studio na suportahan ang mga government communications initiative.
Ang mga iminungkahing amendments na inaprubahan ng BARSc ay isusumite sa Appropriations panel para maisama sa panukalang P7.2-trilyong budget, na kasalukuyang tinatalakay bago aprubahan sa ikaalawang pagbasa ng Kamara de Representantes. (Billy Begas)


