WebClick Tracer

Huling awit ni tatay regalo sa birthday ng anak

Isang birthday celebration na dapat sana’y puno ng saya ang nauwi sa luha at matinding emosyon, matapos kantahan ng isang ama na nakaratay na dahil sa karamdaman ang kanyang anak sa mismong araw ng kaarawan nito.

Sa birthday ni Annie Acierto nitong nakaraang September, nagtipon ang kanilang pamilya sa kanilang bahay para magdiwang, nang hilingin ng kanyang amang si Rene na ilabas siya mula sa kanyang kuwarto at dalhin sa sala.

Nakahiga sa kanyang kama, buong damdaming inawit ni Tatay Rene ang paborito niyang awit na “Where Do I Begin,” habang nakapaligid sa kanya ang mga kapamilya at kaanak.

Hindi napigilan ng mga naroon ang mapaluha habang pinakikinggan ang pag-awit ng ama, na sa kabila ng kanyang kalagayan ay piniling gumawa ng isang espesyal na sorpresa para sa anak.

Sa kanyang post, ibinahagi ni Annie ang kanyang pasasalamat sa ama at sinabi niyang iyon ang huling kantang inialay nito sa kanyang birthday ay isang regalong hindi niya inaasahang magiging isa sa pinakamahalagang alaala ng kanilang pamilya.

Ayon kay Annie, paborito ng kanyang ama ang naturang awit at madalas itong tumutugtog sa kanyang kuwarto hanggang sa mga huling sandali ng kanyang buhay.

Ilang araw matapos ang birthday celebration, nitong September 29, tuluyan nang pumanaw si Tatay Rene, dahilan upang ang simpleng birthday surprise ay maging isang huling alaala ng pagmamahal ng isang ama sa kanyang anak.

Mabilis na kumalat sa social media ang video ng pag-awit ni Tatay Rene at umani ng maraming reaksiyon mula sa mga netizen na nagsabing hindi nila napigilang maiyak habang pinapanood ang naturang tagpo.

May ilan ding nagsabing naalala nila ang sarili nilang mga magulang at mahal sa buhay, habang ang iba naman ay nagpahayag ng pakikiramay sa pamilya.

At para kay Annie, ang awit na iyon ay mananatili hindi lamang bilang bahagi ng kanyang birthday kundi bilang huling awit ng kanyang ama na habambuhay niyang dadalhin sa kanyang puso. (Ronilo Dagos)