WebClick Tracer

Hatol kay Sara Duterte posibleng ilabas sa Disyembre 16

Posible umanong mailabas ng Senate impeachment court ang hatol sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte pagsapit ng Disyembre 16, ayon kay Senate impeachment court spokesperson Reginald Tongol.

Ayon kay Tongol, mas kumpiyansa ang impeachment court na matatapos ang paglilitis bago ang holiday recess ng Senado.

“Mas malakas po ‘yung confidence ng ating impeachment court na matatapos ito bago mag-holiday recess po ang Senado. So by December 16 ay magkakaroon na ng final verdict,” ani Tongol sa isang virtual press briefing nitong Biyernes, Oktubre 2.

Sinabi rin ni Tongol na nananatiling nauuna sa iskedyul ang paglilitis sa kabila ng ilang araw na suspensiyon ng proceedings.

Ayon kay Tongol, nakatulong sa pagpapabilis ng paglilitis ang desisyon ng prosecution panel na alisin ang ilan sa mga testigo nito.

Dahil dito, 27 trial days umano ang natipid ng impeachment court.

Inaasahan ding matatapos ng House prosecution panel sa susunod na linggo ang pagpepresinta ng mga testigo kaugnay sa alegasyon ng unexplained wealth laban kay Duterte. (IS)