WebClick Tracer

Gracioso sa batikos ng publiko: ‘Dapat mas magalit sila sa mga nag-utos sa akin’

Handa umanong harapin ni self-confessed bagman at dating police officer Rodulfo Gracioso Jr. ang batikos ng publiko kaugnay ng kanyang papel sa umano’y korapsiyon, ngunit iginiit niyang mas dapat aniyang panagutin ang mga taong nag-utos sa kanya na maghatid ng pera.

Inihayag ito ni Gracioso, dating security aide ni dating House Speaker Lord Allan Velasco, sa panayam ni Pinky Webb sa programang “On Point” ng Bilyonaryo News Channel.

Matatandaang isiniwalat niya na naghatid umano siya ng mga maleta na may bilyon-bilyong pisong cash kina Vice President Sara Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte, at Davao Rep. Paolo “Pulong” Duterte.

Ayon kay Gracioso, hindi siya natatakot sa batikos ng publiko at nais lamang niyang sabihin ang kanyang nalalaman tungkol sa umano’y katiwalian.

“Di naman ako natatakot. Sa akin lang, maipahayag ko ‘yung katotohanan talaga, na ‘yung corruption talaga nagmula sa kanila,” saad niya.

Batid din umano niyang may pananagutan siya sa kanyang naging papel bilang umano’y bagman, ngunit nais niyang maipaliwanag sa publiko na kumilos siya batay sa mga utos ng ibang tao.

“Magalit pa sila sa akin, i-bash man ako nila. Pero dapat mas magalit sila sa mga nag-utos lang sa akin kasi inutusan din lang ako e,” dagdag pa ni Gracioso.

Panoorin ang buong panayam kay Gracioso sa October 1 episode ng “On Point”.

Maaari namang abangan ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, 7:30 ng gabi, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook. (AM)