WebClick Tracer

Gracioso pareho raw 99% ang resulta ng kanyang 2 lie detector test

Sinabi ng dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr. na pareho umanong 99% ang naging resulta ng dalawang lie detector o polygraph test na isinagawa sa kanya kaugnay ng kanyang mga alegasyon tungkol sa umano’y cash deliveries kay Vice President Sara Duterte at ilan pang personalidad.

Sa panayam sa “On Point” ng Bilyonaryo News Channel, ibinahagi ni Gracioso na ang unang polygraph test ay isinagawa gamit ang mga tanong na nakabatay sa kanyang personal na impormasyon tulad ng kanyang pangalan, at sa unang draft ng kanyang affidavit.

Ayon sa kanya, kasama sa unang draft ang alegasyon niya tungkol sa umano’y paghahatid ng cash kay Vice President Duterte na galing umano kay dating House Speaker Lord Allan Velasco.

Kalaunan, isinagawa umano ang ikalawang polygraph test matapos makumpleto ang kanyang affidavit na isinumite sa National Bureau of Investigation.

Sinabi ni Gracioso na sa ikalawang pagsusuri, ang mga tanong ay nakabatay na sa mga pahayag na nakasulat sa kanyang kumpletong affidavit.

Nang tanungin kung pareho rin ang naging resulta ng ikalawang polygraph test, sinabi ni Gracioso na “pumasa pa rin” siya at 99% din umano ang naging average nito.

“99 percent pa rin, ma’am. Pareho po,” ani Gracioso.

Panoorin ang buong panayam sa October 1 episode ng “On Point”.

Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, 7:30 ng gabi sa Free TV: Channel 31, Cignal: Channel 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Cignal Play, at sa official YouTube and Facebook accounts ng BNC. (IS)