WebClick Tracer

Gracioso nanindigan sa alegasyong pag-deliver ng pera ni Tupas kay VP Sara

Nanindigan ang self-confessed bagman at dating police officer na si Rodulfo Gracioso Jr. sa kanyang mga alegasyon laban kay dating Davao City information officer Jefry Tupas, na umano’y naghatid ng pera kay Vice President Sara Duterte.

Sa panayam ni Pinky Webb sa programang “On Point” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Gracioso na hindi umano magsasabi ng katotohanan si Tupas dahil sa umano’y pagiging malapit nito kay Duterte.

Kasunod ito ng isinumiteng affidavit ni Tupas sa National Bureau of Investigation (NBI), na eksklusibong nakalap ng Abante, kung saan itinanggi niya ang alegasyon ni Gracioso.

Ayon sa affidavit ni Tupas, hindi totoo na naghatid siya ng dalawang maleta na naglalaman umano ng tig-P50 milyon sa Marinduque noong Abril 2019.

Nasa South Korea umano siya noong Abril 19 hanggang 22, 2019, at mayroon siyang two-way ticket, passport stamps at mga larawan bilang umano’y patunay ng kanyang biyahe.

Itinanggi rin niya ang umano’y P100 milyong cash delivery sa Diamond Hotel noong Setyembre 21, 2019 dahil nasa Japan umano siya mula Setyembre 19 hanggang Setyembre 22 ng naturang taon.

Hindi rin umano posible ang alegasyong nakapunta siya sa Busay, Cebu noong summer ng 2020 para maghatid ng tatlong maleta ng pera dahil mahigpit ang lockdown sa Davao City noong panahong iyon.

Giit naman ni Gracioso, “Si Jeff (Tupas), claims niya ‘yan… Hindi niya sasabihin ang totoo. Kasi ano ‘yan, sarili niya ‘yan. Hindi niya sasabihin ‘yung katotohanan. Kasi alam naman natin kung ga’no sila ka-close nila ni Ma’am Sara (Duterte).”

Sa kabila ng sinumpaang salaysay ni Tupas, sinabi ni Gracioso na nananatili siya sa mga petsang nakasaad sa kanyang affidavit at iginiit na hindi siya nagkamali sa mga detalye.

Sinabi rin niya na mayroon siyang logbook, mga larawan at iba pang ebidensiya na umano’y susuporta sa kanyang mga alegasyon at nakatakda niyang isumite sa NBI habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Panoorin ang buong panayam kay Gracioso sa October 1 episode ng “On Point”.

Maaari namang abangan ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, 7:30 ng gabi, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook. (AM)