Ibinunyag ni dismissed police officer Rodulfo Gracioso Jr. na si Sen. Bong Go umano ang sumasalubong sa mga maletang may lamang pera na idine-deliver niya para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ni Pinky Webb sa “On Point” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Gracioso na diretso umano sa kampo ni Duterte ang mga maleta ngunit may sumasalubong sa kanya para tanggapin ang mga ito.
“‘Yung sa kay FPRRD na ma’am, diretso din sa kanila pero may sasalubong lang. Ang sasalubong ‘yan si Sir Bong ma’am,” ani Gracioso nang tanungin kung sino ang tumatanggap ng kanyang delivery para umano kay dating Pangulong Duterte.
Nang linawin kung si Sen. Bong Go ang tinutukoy niyang “Sir Bong”, sumagot si Gracioso ng “Opo, ma’am.”
Ayon pa kay Gracioso, kasama umano ni Go ang kanyang security personnel kapag sinasalubong siya sa pagdadala ng mga maleta.
Samantala, sinabi rin ni Gracioso na mismong si Vice President Sara Duterte umano ang nagsasalubong sa kanya para sa cash delivery.
“Siya mismo, ma’am. Si Ma’am Inday mismo nagsasalubong ma’am,” ani Gracioso.
Panoorin ang buong panayam sa October 1 episode ng “On Point”.
Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, 7:30 ng gabi sa Free TV: Channel 31, Cignal: Channel 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Cignal Play, at sa official YouTube and Facebook accounts ng BNC.


