WebClick Tracer

Gobyerno may sapat na pondo para makapaghanda sa El Niño

Tiniyak ng Malacañang na may sapat na pondo ang gobyerno ngayong taon para paghandaan ang El Niño na inaasahang magiging mas matindi ang epekto sa bansa.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, ipinabatid ng Department of Budget and Management na mayroon pang P6.2 billion na pondong magagamit ngayong taon ang Department of Agriculture para sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng El Niño at kasalukuyang energy pressure.

Mayroon din aniyang P38.83 billion na nakalaan sa NDRRM Fund na maaaring magamit sa mga kaganapan na may kinalaman sa sitwasyon ng panahon.

Sinabi ni Castro na dadagdagan ang pondo ng NDRRMF sa susunod na taon ng P45.67 billion, bukod pa rito ang budget para sa quick response funds ng frontline agencies, pati na ang National Food Authority at National Irrigation Administration.

Nauna nang inalerto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kaukulang ahensiya na maagang maghanda upang tugunan ang epekto ng paparating na El Niño sa bansa. (Aileen Taliping)