Nagpahayag ng pagkabahala si dating Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas sa tumitinding online attacks laban kay House prosecutor at San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora, isa sa mga lumilitis kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Brosas na gumagamit ang mga attacker ng AI at deepfakes upang lumikha ng peke at lubhang bastos na content na nagta-target kay Zamora.
“Nakababahala ang pagtindi ng mga online attacks kay Rep. Belle Zamora, na umabot na sa paggamit ng AI at deepfakes para gumawa ng peke at napakabastos na content laban sa kanya,” sabi ni Brosas sa isang pahayag.
“Lalong seryoso ang usapin kapag sexualized at mapanirang content ang ginagawa at ipinapakalat gamit ang mukha o pagkakakilanlan ng isang babae. Mas mabilis kumalat ang ganitong content, mas mahirap burahin, at mas malaki ang pinsalang maaaring idulot sa reputasyon at seguridad ng isang tao,” dagdag pa nito.
Ayon kay Brosas, ginagamit ang ganitong uri ng bastos na content upang pahiyain, sirain ang reputasyon, at patahimikin ang isang babaeng mambabatas, at upang takutin siya sa pagtupad sa kanyang tungkulin bilang isa sa mga prosecutor sa impeachment trial ni Duterte.
“Kaya dapat ding balikan ang mismong dahilan kung bakit naging target si Rep. Zamora: ang kanyang mga katanungan at pahayag sa impeachment court. Kung may tutol sa kanyang mga sinabi o mga isyung kanyang inihapag, doon dapat tumuon ang diskusyon,” dagdag niya.
Iginiit ni Brosas na dapat ang sentro ng talakayan ay ang mga alegasyon laban kay Duterte na hanggang ngayon ay hindi pa niya nasasagot.
“Ang dapat pag-usapan ay ang mga isyung inihahapag sa korte, ang mga tanong na kailangang sagutin, at ang usapin ng transparency at accountability. Hindi dapat malihis ang pampublikong diskusyon dahil sa mga pekeng content at personal na pag-atake,” sabi ng dating mambabatas.
“Itigil na ang paggamit ng AI at deepfake. Ang teknolohiya ay hindi dapat maging kasangkapan para manghiya, mambastos, at manakot ng kababaihang nagsasalita at naninindigan,” dagdag pa ni Brosas. (Billy Begas)


