WebClick Tracer

Ex-Prime Minister Cesar Virata pumanaw na

Pumanaw na sa edad na 95 ang beteranong technocrat at dating Prime Minister at Finance Minister na si Cesar Enrique Aguinaldo Virata, ayon sa Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) nitong Biyernes.

Sa disclosure ng RCBC sa Philippine Stock Exchange, na eksklusibong nakalap ng Abante, opisyal na nagtapos ang panunungkulan ni Virata nitong Oktubre 2 dahil sa kanyang pagpanaw. Nagsilbi siya bilang corporate vice chairperson at director ng bangko.

Mahigit dalawang dekada siyang naging corporate vice chairman ng RCBC at nagsilbi sa board nito mula 1995. Noong 2007, naging senior adviser din siya ng bangko.

Bukod sa pagiging finance minister at prime minister sa ilalim ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr., naging chairman din si Virata ng Board of Investments at kinatawan ang Pilipinas bilang governor sa World Bank at Asian Development Bank (ADB).

Mula 1976 hanggang 1980, pinamunuan niya ang Joint Development Committee ng World Bank at International Monetary Fund, gayundin ang Board of Governors ng ADB.

Bago pumasok sa pamahalaan, naging dean si Virata ng College of Business Administration ng University of the Philippines (UP) at naging principal sa accounting firm na SyCip Gorres Velayo & Co.

Nagsilbi rin siya bilang director at adviser sa ilang kumpanya at institusyon, kabilang ang Malayan Insurance Co., Lopez Holdings Corp. at World Trade Center Management Inc.

Si Virata, isang apo sa pamangkin ni dating Pangulong Emilio Aguinaldo, ay nagtapos ng engineering at business degrees sa UP at kumuha ng MBA sa Wharton School of the University of Pennsylvania. (AM)