Itinuring ni Caloocan City Rep. Edgar Erice si Senador Bong Go bilang posibleng presidential bet sa 2028 sakaling hindi tumakbo sina Vice President Sara Duterte at Naga City Mayor Leni Robredo.
Sa panayam sa programang “The Spokes” ng Bilyonaryo News Channel, tinanong si Erice kung sino ang kanyang itataya sa isang hypothetical na presidential race kung hindi sasabak sa halalan sina Duterte at Robredo.
“Tingin ko, kung wala si VP Sara tsaka si VP Leni, sa nakikita ko ngayon ha, pati sa opinyon ng mga kapwa ko politiko sa House, si Bong Go,” anang mambabatas.
Ipinaliwanag ni Erice na nakikita niyang may potensiyal si Go dahil sa kanyang ugnayan sa Mindanao at Visayas, gayundin sa pagiging katanggap-tanggap umano nito sa ilang lider sa Metro Manila at Luzon.
Gayunman, sinabi niyang may isang hamon si Go kung sakaling isaalang-alang nito ang pagtakbo sa pagkapangulo.
“Meron lang siyang problema,” ani Erice. “Si Senator Bong Go kailangan mapapayag niya si VP Sara.”
Panoorin ang buong panayam kay Erice sa October 2 episode ng programang “The Spokes”.
Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes sa Free TV: Channel 31, Cignal: Channel 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TV, Cignal Play, at sa official YouTube and Facebook pages ng Bilyonaryo News Channel. (AM)


