WebClick Tracer

DFA itinangging may hurisdiksyon ang China sa karagatan sa Batanes

Mariing itinanggi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pahayag ng Chinese Embassy na may sovereign rights at jurisdiction ang China sa karagatan sa Batanes.

Ayon sa DFA nitong Biyernes, nakita ang Chinese research at survey vessel na JIA HAI KE 7 na umaandar sa tinatayang 37 nautical miles northwest ng Itbayat, Batanes, na nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Sinabi ng kagawaran na nagsagawa lamang ang Philippine Coast Guard ng legal at regular na law enforcement operation bilang tugon sa hinihinalang unauthorized Marine Scientific Research (MSR) sa karagatan sa Batanes.

Iginiit ng DFA na sa ilalim ng Article 246 ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), kailangan ang pahintulot ng coastal state para magsagawa ng marine scientific research sa EEZ at continental shelf nito.

Ayon sa DFA, walang natanggap na request mula sa China at walang ibinigay na pahintulot ang Pilipinas para magsagawa ng MSR ang anumang Chinese vessel sa naturang lugar.

“We strongly call on China to fulfill its obligations under international law and avoid actions that are counter-productive and undermine efforts to rebuild mutual trust,” giit ng ahensya.

“The Philippines will continue to uphold the country’s sovereign rights and jurisdiction in its EEZ peacefully and responsibly in accordance with international law,” dagdag pa ng DFA. (AM)