WebClick Tracer

Dagdag benepisyo sa senior citizens itinulak ni De Lima

Woman with short brown hair and glasses speaks into a microphone at a panel meeting, gesturing with her hands while seated at a table.

Sa pagdiriwang ng Elderly Filipino Week, muling nanawagan si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima ng karagdagang benepisyo para sa mga senior citizen bilang pagkilala sa kanilang malaking kontribusyon sa lipunan.

“Ang Filipino Elderly Week ay hindi lang limitado sa isang linggong pagdiriwang, kundi habambuhay na pagpapatotoo sa mahalagang kontribusyon ng mga nakatatanda. Tumbasan sana ng gobyerno ang pasasalamat at pagpapahalaga sa kanila ng mga serbisyong kapaki-pakinabang at ramdam nila,” sabi ni De Lima.

“Naniniwala tayo na walang pinipiling edad ang magkaroon ng boses, umambag, at magpamalas ng abilidad sa pagtataguyod ng kung ano ang makabubuti sa lipunan. Kung may sapat na suporta, marami pa silang magagawa at mapapatunayan,” dagdag pa ng lady solon.

Bukod sa pagkilala, sinabi ni De Lima na dapat bigyan ang mga nakatatanda ng sapat na suporta, proteksyon, at mga serbisyong makatutugon sa kanilang mga pangangailangan.

Inihain ni De Lima ang House Bill 9170, na naglalayong amyendahan ang Republic Act 11982, o ang batas na nag-amyenda sa Centenarians Act of 2016 (RA 10868), upang palawakin ang mga benepisyo para sa mga senior citizen.

Sa ilalim ng panukala ni De Lima, lahat ng Pilipino, naninirahan man sa Pilipinas o sa ibang bansa, ay tatanggap ng cash benefits kapag umabot sa mga itinakdang edad: P25,000 sa edad na 70; P50,000 sa edad na 80; at P75,000 sa edad na 90. Tatanggap din sila ng P10,000 pagsapit ng edad na 75, 85, at 95.

“Our senior citizens deserve to live with respect, dignity, and compassion, not to be left helpless, ignored, or abandoned. Sa panahong sila ang malakas at higit na may kakayahan, kumayod sila at hindi tayo iniwan. Iparamdam natin ngayon na hindi sila nag-iisa, na may pamilya at Estado silang masasandalan,” sabi ni De Lima.

Ang Elderly Filipino Week ay taunang pagdiriwang na ginaganap tuwing unang linggo ng Oktubre alinsunod sa Proclamation No. 470, na inilabas noong Setyembre 26, 1994. (Billy Begas)