WebClick Tracer

Comelec hindi raw kakayaning ituloy BSKE ngayong Nobyembre kung may TRO

Hindi na umano kakayanin ng Comelec na ituloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) nitong darating na Nobyembre kung maglalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema laban sa postponement ng halalan.

Ito ang sinabi ni Comelec Chairman George Garcia sa pagdinig ng Senate Finance Committee para sa panukalang 2027 budget ng ahensiya.

Tinanong ni Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III ang Comelec kung ano ang magiging hakbang nito sakaling maglabas ng TRO ang Korte Suprema sa petisyong kumukuwestiyon sa pagpapaliban ng BSKE.

“Mukha pong, hindi namin kayang mag-November 2, Mr. Chair,” ani Garcia.

Ayon kay Garcia, nahinto na ng Comelec ang paghahanda para sa Nov. 2 elections matapos maisabatas ang Republic Act No. 12326 na nagpalawig sa termino ng mga barangay at SK official sa limang taon at nagtakda ng susunod na halalan sa Nobyembre 2028.

Kasama sa mga itinigil ang mga aktibidad para sa filing ng certificate of candidacy, na orihinal na nakatakda hanggang Oktubre 5.

Ipinaliwanag ni Garcia na kung biglang ibabalik ang halalan, kailangan pa nilang maglabas ng panibagong resolusyon at magsagawa ng information campaign sa buong bansa. Maaari umano itong umabot ng hanggang dalawang linggo.

Kailangan din umanong ihanda at ipamahagi muli ang mga election paraphernalia, kabilang ang mga materyales na kailangang ipadala sa mga lugar sa Visayas at Mindanao.

Gayunman, sinabi ni Garcia na naghahanda ang Comelec para sa posibleng magiging utos ng Korte Suprema.

Sa ilalim ng Omnibus Election Code, limitado ang kapangyarihan ng Comelec na ipagpaliban ang halalan at kabilang sa mga kinikilalang dahilan ang terrorism, violence at force majeure.

Ayon kay Garcia, maaari ring ituring ng Comelec bilang force majeure ang magiging utos o desisyon ng Korte Suprema. (IS)