WebClick Tracer

Chinese timbog sa pagbebenta ng pekeng ‘Magic Sarap’

Arestado ang isang 61-anyos na Chinese national matapos umanong mahuling nagbebenta ng mga pekeng “Magic Sarap” seasoning sa Barangay Sto. Niño, Cebu City.

Batay sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG, isinagawa ang operasyon noong Martes ng CIDG Cebu City Field Unit at Regional Intelligence Unit 7, katuwang ang mga kinatawan ng Nestlé Philippines Inc. at mga territorial police unit.

Nasamsam sa operasyon ang 100 kahon ng umano’y counterfeit at trademark-infringing na “Magic Sarap” food seasoning na tinatayang nagkakahalaga ng P500,000.

Nagsimula ang operasyon sa reklamo ng Nestlé Philippines kaugnay ng umano’y pagbebenta, pamamahagi at pag-iingat ng mga pekeng produkto sa lugar, na itinuturing na paglabag sa Republic Act No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines.

Ayon sa CIDG, bukod sa paglabag sa intellectual property rights, maaari ring magdulot ng panganib sa kaligtasan ng mga mamimili ang mga pekeng produktong pagkain dahil maaaring hindi dumaan sa parehong pagsusuri at safety standards ng mga lehitimong produkto.

Sinabi ng CIDG na patuloy nitong paiigtingin ang pagpapatupad ng intellectual property laws upang maprotektahan ang mga may-ari ng trademark at ang publiko laban sa mga pekeng produkto, habang hinihikayat ang mga mamimili na ireport ang mga produktong kahina-hinala ang packaging, walang expiration code, kakaiba ang texture o may hindi pangkaraniwang amoy kapag binuksan. (Ronilo Dagos)