WebClick Tracer

Burden of proof, evidence nailipat na sa depensa ni VP Sara

Nailipat na umano ng prosecution sa depensa ang burden of proof at evidence kaugnay ng ilan sa mga nilalaman ng kaso ng unexplained wealth at paglabag sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang nabatid kay private prosecutor Atty. Lorna Kapunan matapos maipresenta ng mga ito na may mga ari-arian si Duterte at mister nitong si Atty. Manases Carpio na hindi idineklara sa kanyang SALN.

“Yung burden of proof saka burden of evidence. Sa mga iprenesenta na testimony, documents, witnesses ng prosecution dito sa article na ito eh nagshift na ang burden of evidence,” pahayag ni Kapunan.

Ipinaliwanag nito na ipinakita ng prosecution na hindi idineklara ng pangalawang pangulo sa kanyang SALN ang mga lupain ng mga ito at maging ang pag-aari ng mga ito ng mga baril na umaabot ng 52.

“So who has the burden of evidence? Sila. Sila ang magpatunay na nandun.Burden of evidence has shifted to them. Kaya linawin natin na ang prosecution, wala na ang burned of proof sa amin, burden of evidence nasa kanila,” paliwanag ni Kapunan.

Inihalimbawa ni Kapunan ang mga baril na hindi idineklara ni Duterte sa kanyang SALN na minamaliit umano ng ilan dahil P7 milyon lamang umano ang halaga ng mga baril na ito subalit hindi aniya ito ang usapin sa kasong ito.

Kailangang patunayan aniya ng depensa na nagkaroon ng honest mistake si Duterte sa kanyang SALN ng mga baril na ito, maliit man ang halaga nito kumpara sa kanyang idineklarang yaman na umaabot ng P98 milyong noong 2025.

“Patunayan nyo na honest mistake, good faith or kasi ngayon pinapakita ng prosecution na talagang tinago nyo or hindi nyo dineclare sa SALN niyo. So the evidence now has shifted to their side. So on the part of the prosecution nagagalak kami, na nandyan na, nakalantad na ang evidence ng prosecution, sila na ngayon ang burden of evidence to disprove us,” ayon pa kay Kapunan.

Sinabi naman ni lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na hindi ang halaga ng mga baril ang pinag-uusapan dito kundi ang hindi ito pagdedeklara sa SALN na isang paglabag sa batas.

“Perhaps we need to clarify that to the public. This article should not be appreciated on the basis of amount, on the basis of the number of firearms, on the basis of the nature of the property. Ang guidance natin dito, tatlo lang. Number one, dineclare ba o hindi ang property sa salin? Number two, yung yaman ba, proportionate sa lawful income,” ani Luistro.

“Hindi material dito kung magkano. The appreciation should be anchored on the violation of this particular provisions of law,” dagdag pa ng mambabatas. (Bernard Taguinod)

KW: burden of proof evidence unexplained wealth VP Sara

FB: Nailipat na sa depensa ni Vice President Sara Duterte ang burden of evidence matapos ilatag ang mga ari-ariang umano’y hindi idineklara sa kanyang SALN, ayon sa prosekusyon.

Giit ng prosekusyon, hindi halaga ng mga ari-arian ang sentro ng usapin kundi kung idineklara ang mga ito at kung naaayon ang yaman sa lawful income.