Iginiit ni prosecution spokesman at adviser Robert Ace Barbers na hindi dapat ipagwalang-bahala ang mga bagong pasabog ni dating Sen. Antonio Trillanes IV laban sa pamilya Duterte hinggil kung saan galing ang pera ng mga ito.
“The disclosures made today by former Senator Antonio Trillanes IV deserve serious attention,” ani Barbers matapos mabahala sa rebelasyon ng dating senador na tumanggap umano ang mga Duterte kasama, ang pangalawang pangulo, ng pera mula sa drug lord at maging sa China government.
Sa press conference ni Trillanes, muli nitong idinetalye ang perang natanggap umano ng mga Duterte na kinabibilangan ng dating pangulong si Rodrigo, mga anak na sina Congressman Pulong, Mayor Sebastian, Honeylet at Vice Prisident Sara, mula sa umano’y drug lord na si Sammy Uy.
Isiniwalat din ni Trillanes na nakatanggap ng per amula sa gobyerno ng China at China-based corporation ang CALE88, kumpanyang pag-aari umano ng mister ng pangalawang pangulo na umaabot umano sa P319 milyon.
“Senator Trillanes did not merely give us accusations. He identified a financial trail. And portions of that trail have already been independently corroborated by official records,” ayon pa kay Barbers.
“Ang tanong ngayon ay hindi kung paniniwalaan ba si Trillanes. Ang tanong ay: Ano pa sa mga inilantad niya ang mapapatunayan ng mga opisyal na rekord?,” dagdag pa ng mambabatas kaya dapat seryosohing imbestigahan ito.
Lalo ding ginahan umano ang prosecution team na busisiin ng husto ang bank accounts ng mag-asawang Duterte sa impeachment trial na ipagpapatuloy sa susunod na linggo kung saan ihaharap na ng mga ito ang Anti-Money Laundering Council (AMLC).
“Sundan ang pera. Sundan ang mga dokumento. Ihambing sa SALN. At hayaang ang opisyal na rekord ang magpatunay kung saan hahantong ang ebidensya,” ayon pa kay Barbers. (Bernard Taguinod)


