WebClick Tracer

2 rider sinuspinde lisensiya matapos magkarera

Agad na kumilos ang Land Transportation Office (LTO) laban sa dalawang rider na umano’y sangkot sa karera ng motorsiklo sa pampublikong kalsada.

Sa vlog na nakarating sa ahensiya, makikitang ilang motorsiklo ang nakakarera sa isang pampublikong kalsada, na maaaring magdulot ng panganib sa kaligtasan ng ibang motorista.

Matapos matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang rehistradong may-ari at rider ng mga motorsiklong sangkot sa insidente, kapwa sila inisyuhan ng show cause order.

Pinahaharap sila sa Intelligence and Investigation Division (IID) para sa pagdinig sa Oktubre 9.

Kailangan din nilang magsumite ng sinumpaang salaysay o paliwanag, kalakip ang mga dokumentong maaaring magsilbing suporta upang maipaliwanag ang kanilang panig kaugnay ng mga iniimbestigahang paglabag kabilang ang reckless driving at failure to give proper signal.

Gayundin ang posibleng pagsuspinde o pagbawi sa lisensiya ng mga rider dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Samantala, isinailalim sa 90-araw na preventive suspension ang mga lisensiya ng dalawang rider at inatasan silang isuko ang mga ito sa IID.

Inilagay rin sa alarm ang mga motorsiklong sangkot habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. (IS)