Kasabay ng pagsisimula ng deliberasyon ng Budget Amendments Review Committee (BARC), iginiit ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio sa nasabing komite na isapubliko ang anumang amendments na ginawa ng mga ito sa pambansang pondo.
Ginawa ng mambabatas ang hamon matapos kumpirmahin umano sa plenary deliberations sa 2027 national budget na nagkakahalaga ng P7.2 trilyon na umaabot umano sa P20 bilyon ang halaga ng amendments ang isiningit sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Napaamin na natin sa plenary deliberations na magpapasok ng P20 billion worth of amendments sa DPWH budget. Bakit may ganoon, at bakit ganoon kalaki? Iyan na nga ang mga proyekto na pinili ng mga legislators. Sa minimum, dapat maging transparent diyan,” ani Tinio.
Dahil dito, kailangang idetalye ang nasabing insertions ng BARCs lalo na’t nasabihan na umano ito na hindi maglalabas ng hiwalay na report ang nasabing komite at sa halip ay isasama na lamang umano ang anumang pagkakasunduan sa General Appropriations Bill (GAB).
“Ibig nilang sabihin, bahala kayong maghanap kung ano ang mga amendments na ipinasok namin. Hindi ito totoong transparency,” dagdag pa ng mambabatas.
Ang BARC ang magsasagawa ng amendment sa GAB bago ito isalang sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa plenaryo ng Kamara subalit iilan lamang umano ang miyembro ng tinawag na ‘small committee’ na ito.
Nabatid na tig-3 miyembro ng bawat political party lamang ang bumubuo sa BARC at tig-tatlo din mula sa majority at minority bloc subalit anumang mapagkasunduan aniya sa komite na ito ay hindi umano isasapubliko, ayon kay Tinio.
“Kung seryoso ang commitment ng House sa transparency, dapat maglabas ng report sa mga amendments — these are, essentially, committee amendments. Hindi pwedeng sabihin, ‘Ito na ‘yung tatlong volumes ng GAB, bahala na kayong maghanap, basta may amendments kaming pinasok diyan,” anti Tinio.
“I am calling on the BARSc and the House leadership to release a detailed committee report on the amendments that will be approved and integrated into the final General Appropriations Bill na pagbobotohan. Para transparent sa lahat ng miyembro at sa publiko kung ano ba ‘yung binago at kinalikot sa budget,” dagdag pa ng mambabatas. (Bernard Taguinod)


