Kung meron umanong magaling na ginawa si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa pagharap nito bilang hostile witness ng prosecution team sa impeachment trial laban sa kapatid na si Vice President Sara Duterte ay linisin ang kanyang sarili.
Ito ang opinyon ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio matapos magalingan umano ang mga supporter ng mga Duterte sa mayor subalit sa likod aniya ng pagharap nito ay lalong nadiin ang kanyang kapatido.
“‘Yung karaniwang reaction narinig ko about that, seems to miss the point. Ang nagawa ng Mayor Baste doon ay niligtas at inabswuelto niya o dinipensa niya ang sarili niya,” paliwanag ni Tinio.
Sa pagharap ni Mayor Duterte sa impeachment trial, inamin nito na nakakuha ng 19 kontrata ang Gencorp Industries Inc sa Davao City Hall subalit idiniin nito na hindi umano siya responsible sap ag-aaward ng kontrata.
“So maaaring iniligtas ni Mayor Baste ang sarili niya at nagkaroon pa ng discussion ng arias doctrine na hindi automatic magiging responsable yung official na pumirma,” paliwanag pa ng mambabatas.
“Pero hindi yung point, actually ang nagawa ni Mayor Baste doon lalo pa niyang idiniin kapatid niya dahil kinumpirma niya na nakakorner talaga ng milyong-milyong kontratra ang Gencorps at prinovide niya ang information na hindi 15 kundi 19 contract na inaward sa Gencorps,” dagdag pa ni Tinio.
Ang Gencorps ay isa sa mga kumpanyang idineklara ng pangalawang pangulo sa kanyang Statement of Assets and Liabilities (SALN) bagama’t wala ang pangalan nito sa General Information Sheet (GIS) ng kumpanya sa Securities and Exchange Commission (SEC).
“Huwag natin kalimutan ang Vice President ang nata-trial dito , hindi si Baste. Kaya yung testimoniya ni Baste ay lalong pagdidiin sa Vice President,” dahil pinatunayan lamang umano ng Alkalde na hindi nagdivest ang kanyang kapatid kahit ipinagbabawal ng batas na magkaroon ng business interes ang mga mataas na opisyales ng gobyerno at kumorner pa ng milyong-milyong kontrata sa gobyerno.
“So, yung dapat ang tamang pag-unawa sa nanyare nung trial na yun hindi yung sabihin na “yun ang galing ni Baste”. Ang galing na galing na inabsuwelto ang sarili niya pero diniinan niya yung kanyang kapatid,” dagdag ni Tinio. (Bernard Taguinod)


