WebClick Tracer

Susundo sa NAIA Terminal 1 posibleng payagan nang makapasok sa arrival area

Pinag-aaralan ngayon ng New NAIA Infra Corporation (NNIC) Security kung maaari nang payagan ang mga susundo sa mga pasahero na makapasok sa loob ng arrival area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Ito ay katulad ng kasalukuyang patakaran sa NAIA Terminal 3 kung saan pinapayagan ang mga non-passenger na makapasok sa loob ng arrival lobby.

Ayon sa mga guwardiya, nagsagawa kahapon ng dry run para subukan ang bagong sistema sa Terminal 1.

Gayunman, pansamantalang binawi ang plano dahil magkaiba ang layout ng arrival area ng Terminal 1 at Terminal 3.

Dahil dito, ibinalik muna ang mga guwardiya sa exit at entrance ng arrival area ng Terminal 1.

Layunin umano ng NNIC na gawing mas bukas sa publiko ang arrival area katulad ng sistema sa ilang international airport terminals kung saan pinapayagang makapasok ang mga susundo ng mga pasahero. (IS)