Nagbabala ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa publiko laban sa task scam na nag-aalok ng madaling kita kapalit ng simpleng gawain online.
Sa panayam sa programang “The Commanders” ng Abante, simulcast sa Bilyonaryo News Channel, ibinahagi ni dating PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia ang mga natatanggap na text tungkol sa “easy job” at “easy money” na may bayad umano na P7,000 hanggang P10,000 kada linggo.
Ayon kay PNP-ACG Investigation Division Chief Col. Jay Guillermo, tinatawag itong task scam o job scam.
“Kung minsan, pagka in-engage mo ’yan, papupuntahin ka niya, i-click mo itong platform, kikita ka ng 100, kikita ka ng 200, or 3,000… para bang pakakagatin ka niya,” ani Guillermo.
Kabilang umano sa mga ipinagagawa sa biktima ang pag-follow, pag-click o pag-share ng mga account o post kapalit ng maliit na halaga.
“By level ‘yan or by stage. First stage, bibigyan ka ng pera, like P100 or P200. So, ‘pag tinuloy-tuloy mo ‘yan, unang meron ka ng P10,000. So, ngayon, manghihingi siya, ah, kailangan ko magpadala ka ng 2,000 para maibigay ko ‘yung 10,000. Ikaw naman, siyempre, tuwang-tuwa ka. ‘Di mo alam, pinapangagat ka pa lang niya,” dagdag niya.
Hinimok naman ng PNP-ACG ang publiko na maging maingat at mapanuri sa mga kahina-hinalang transaksyon online upang hindi mabiktima ng anumang uri ng scam.
Paroonin ang buong panayam sa “The Commanders” ng Abante, simulcast sa Bilyonaryo News Channel.
Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas-5 ng hapon, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play at sa YouTube at Facebook accounts ng Abante. (AC)


