WebClick Tracer

Sikat na roller coaster sa California isinara matapos ireklamo sa pinsala sa utak ng ilang pasahero

Tuluyan nang isinara ang isang sikat na roller coaster sa California matapos magreklamo ang ilang rider na nakaranas umano sila ng pinsala sa utak matapos sumakay rito.

Ang X2 sa Six Flags Magic Mountain sa Valencia, California ay kilala sa matatarik na pagbagsak at biglaang pagliko.

Umiikot din ng 360 degrees ang mga upuan habang umaandar ang tren sa bilis na umaabot sa 80 milya o 130 kilometro kada oras.

Mahigit 16 milyong tao na umano ang nakasakay sa X2 mula nang buksan ito noong 2008.

Gayunman, ilang reklamo at kaso ang isinampa kaugnay ng mga insidenteng nangyari matapos sumakay sa naturang roller coaster.

Kabilang dito ang 40-anyos na si Pamela Guillen, na sumakay sa X2 noong Hulyo 5.

Ayon sa kanyang pamilya, nagtamo siya ng matinding subdural hematoma at brain compression matapos ang pagsakay.

Kinailangan siyang sumailalim sa emergency surgery kung saan tinanggal ang bahagi ng kanyang bungo upang maibsan ang pressure sa kanyang utak.

Ilang araw lamang ang lumipas, isa pang rider na si Naomi Greer-Wilkinson, 25, ang nawalan umano ng malay matapos sumakay sa X2.

Kinailangan din siyang operahan sa utak at ilang linggo umanong na-coma.

Ayon sa kanyang mga magulang, hindi pa rin siya nakakapagsalita at hindi makahinga nang walang tulong.

Dahil sa mga insidenteng ito, pansamantalang isinara ang X2.

Nitong Setyembre 29, inanunsiyo na ng pamunuan ng parke na tuluyan na nitong isasara ang ride.

Ayon kay Six Flags Magic Mountain President Brian Oerding, nagdesisyon silang i-retire ang X2 matapos ang halos 20 taon.

Sinabi rin niyang regular na pumapasa sa iba’t ibang safety tests ang roller coaster. Gayunman, pinili nilang isara ito dahil mahalaga umano sa kanila ang kaligtasan at tiwala ng kanilang mga bisita.

Samantala, sinabi ng mga abogado na kumakatawan kay Greer-Wilkinson na mahigit 100 katao na umano ang nakipag-ugnayan sa kanilang law firm at nagsabing napinsala sila matapos sumakay sa X2. (IS)