Hinamon ni Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Huwebes si dating House Speaker Lord Allan Velasco at kanyang misis na bumalik ng Pilipinas at sumailalim sa polygraph test o lie detector test.
Nauna nang sumailalim sa polygraph test sa National Bureau of Investigation (NBI) si dismissed policeman Rodulfo Gracioso Jr.
Matatandaang sinabi ni Gracioso na nag-deliver siya ng mga maletang may lamang pera kina Vice President Sara Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Rep. Paolo Duterte alinsunod umano sa utos ni Velasco.
“Si Gracioso kasi has a tainted past, di ba, kaya siya na-dismiss. But even a broken clock is correct twice a day… nung isang araw nag-polygraph test siya sa NBI, 98% he was telling the truth,” ani Remulla sa panayam sa media.
Lumabas umano sa polygraph na nagsasabi ng totoo si Gracioso nang tanungin tungkol sa umano’y pagde-deliver niya ng pera at sa kanyang ugnayan sa mga personalidad.
Gayunman, sinabi ni Remulla na beberipikahin pa rin ang naturang mga alegasyon dahil hindi maaaring gamitin sa korte ang resulta ng polygraph test.
“The polygraph is not admissible in court. But I dare the Velasco couple to come home and take the same polygraph para makita natin kung sino talaga nagsasabi ng totoo,” dagdag niya. (AC)


