WebClick Tracer

Sec. Remulla bukas sa dayalogo sa True Brown Style

Inihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Huwebes na bukas siyang makipagdayalogo sa True Brown Style (TBS).

“Of course, but a dialogue must come with a commitment to stopping their nefarious activities,” ani Remulla sa isang ambush interview.

Ito ay kasunod ng pagdepensa ng TBS Worldwide at iba pang chapter ng grupo na nanawagan sa mga awtoridad na huwag i-generalize ang kanilang mga miyembro bilang mga kriminal, dahil marami umano sa kanila ang mga propesyonal at ordinaryong mamamayang sumusunod sa batas.

May ilan din umanong miyembro ng grupo ang tumutulong sa kanilang mga komunidad at sumusuporta sa mga taong nangangailangan.

Gayunman, iginiit ni Remulla na hindi nabubura ng mga naturang pagtulong ang umano’y maling gawain.

“That’s their version of the truth. But we have our version. You know what they’re doing? Alam niyo yung cosmetic, it doesn’t hide the truth,” dagdag niya.

“They are really behind a lot of the sa mga kalokohan ng mga kabataan ngayon. We appreciate what they’re doing but we’re still not stopping, it’s not stopping us from getting them,” sabi pa ni Remulla.

Mayroon na rin umanong listahan ang mga awtoridad ng mga miyembrong sangkot sa ilegal na aktibidad.

Bago nito, sinabi ni Remulla noong Miyerkoles na nakapagtatag ang TBS ng presensya sa lahat ng local government unit sa Metro Manila at nasa 78 probinsya. (AC)