WebClick Tracer

Raffy Tulfo sinabon ang prosekusyon: Pumapalpak kayo!

Pinagsabihan ni Senador Raffy Tulfo ang mga miyembro prosekusyon na maging maingat sa pagpili ng mga testigong ihaharap sa impeachment trial Vice President Sara Duterte.

Sabi ni Tulfo, may panahon na palpak ang prosekusyon kung saan may ipiniprisenta silang testigo sa korte na hindi naman talaga kailangan at nasasayang ang oras sa paglilitis.

“Kung minsan, ‘yung prosecution, sorry, pumapalpak-palpak kayo. There are times na naglalagay kayo ng mga witnesses dito na hindi naman kailangan talaga nagsasayang lang tayo ng oras,” sabi ni Tulfo.

Payo pa ng senador, kung kukuha ng testigo ang prosekusyon dapat iyong merong masasabing bagay na makakatulong sa ginagawang imbestigasyon ng impeachment court.

“Meron pa ngayong kinuha na pinagtawanan tuloy, nagpapa-cute lang habang may kausap na witness na pulis. So ingat kayo sa pagkuha ng mga witness at ingat sa pagsasalang ng mga abogado ninyo diyan,” saad niya.

Bago ito, inirekomenda ni Tulfo na unahing isalang si dating Senador Antonio Trillanes bilang witness ng prosekusyon bago ang kinatawan ng Anti-Money Laundering Council.

Sa ganitong ayos ng presentasyon ng mga testigo, makukumpirma ng AMLC ang anumang impormasyon sa testimoniya ni Trillanes.

Balak ng prosekusyon na iprisenta si Trillanes bilang testigo kaugnay ng bank accounts na inuugnay diumano kay Duterte at iba pang indibidwal. (Dindo Matining)