WebClick Tracer

PNP pinaigting paghahabol sa mga suspek na gumagamit ng rider uniform

Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang paghahabol laban sa mga kriminal na nagpapanggap na delivery rider o motorcycle taxi driver upang makapagsagawa ng krimen.

Inatasan ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga police commander na tutukan ang mga suspek na gumagamit umano ng rider uniform, delivery box at iba pang motorcycle delivery gear upang hindi agad mapansin sa mga mataong lugar.

“We are intensifying our crackdown against criminals posing as legitimate delivery and motorcycle taxi riders to commit robberies, hold-ups, and other street crimes,” ani Nartatez.

Kasunod ito ng isang insidente ng pananambang sa isang babae kung saan isa sa mga suspek ay napaulat na nakasuot ng unipormeng nauugnay sa isang ride-hailing app.

Ayon sa PNP, maaaring gamitin ng mga suspek ang naturang mga uniporme at kagamitan upang makagalaw sa mga komunidad nang hindi agad nagiging kahina-hinala.

Dahil inaasahang dadagsa ang mga tao sa mga mall, palengke, terminal at iba pang matataong lugar habang papalapit ang holiday season, inatasan ang mga pulis na palakasin ang police visibility at bantayan ang mga lugar na maaaring target ng snatching, salisi at holdap.

Makikipag-ugnayan din ang PNP sa mga ride-hailing company at riders’ group upang mapalakas ang safeguards laban sa ilegal na paggamit ng kanilang mga uniporme, delivery box at iba pang pagkakakilanlan.

Hinimok naman ng PNP ang publiko na agad i-report sa mga awtoridad ang mga kahina-hinalang indibidwal na nagpapanggap na delivery o motorcycle taxi rider. (AC)