Online selling ang pinakatalamak na scam sa ngayon, ayon kay Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) Investigation Division Chief Col. Jay Guillermo.
Sa panayam sa programang “The Commanders” ng Abante, simulcast sa Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Guillermo na patuloy na nabibiktima ang mga Pilipino dahil sa mga murang produktong iniaalok online.
“Katulad ngayon, papasok na naman po ang ber months, ber months na nga. Mahilig ang Pilipino bumili ng mga bagay na nakikita nila ‘pag nakita nila na mura, in-engage ka agad nila,” ani Guillermo.
“Doon po nagiging scam ang isang bagay kasi nga, sobrang pagtitiwala ng Pilipino at lalong-lalo na nakikita ng murang item o kung ano man ‘yan, doon po sila nabibiktima,” dagdag niya.
Paalala niya, dapat maging maingat ang mga mamimili, lalo na sa mga order na cash-on-delivery, at buksan at tiyaking tama ang item bago ito tanggapin at bayaran.
“Pagka nabudol… na-scam ka, ibalik mo. Puwede naman ‘yon, di ba?” tanong ni dating PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia, na sinang-ayunan ni Guillermo.
Maliban sa online selling scam, talamak pa rin umano ang love scam, task o job scam at identity theft sa ngayon.
Hinimok naman ni Guillermo ang publiko na maging maingat at agad i-report sa pulisya at bangko o financial institution kung mabiktima ng anumang scam.
Paroonin ang buong panayam sa “The Commanders” ng Abante, simulcast sa Bilyonaryo News Channel.
Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas-5 ng hapon, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play at sa YouTube at Facebook accounts ng Abante. (AC)


