WebClick Tracer

PCG binabantayan Chinese research vessel sa Batanes

Binabantayan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang Chinese research vessel na JIA HAI KE 7 na umano’y nagsasagawa ng hindi awtorisadong marine scientific research 37 nautical miles hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes.

Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, idineploy ng ahensya ang BRP Teresa Magbanua at PCG Islander aircraft nitong Huwebes, Oktubre 1, upang i-challenge at paalisin ang naturang barko sa karagatan ng Pilipinas.

Bandang alas-7:55 ng umaga, lumapit ang BRP Teresa Magbanua sa JIA HAI KE 7 nang wala pang 100 yarda at nagpakawala ng rigid-hull inflatable boat na ilang beses umikot sa Chinese vessel.

Paulit-ulit umanong nagmaniobra ang JIA HAI KE 7 upang makaiwas sa PCG units habang patuloy itong pinadadalhan ng radio challenge ng BRP Teresa Magbanua.

Habang isinasagawa ang operasyon, bigla umanong dumating sa lugar ang China Coast Guard vessel CCG-2503 at paulit-ulit na nag-radio challenge sa BRP Teresa Magbanua.

Sinundan naman ng BRP Teresa Magbanua ang CCG vessel sa layong nasa 1,000 yarda habang nananatiling malapit sa JIA HAI KE 7.

Ayon sa PCG, kapansin-pansin ang pagdating ng CCG vessel dahil pribadong pagmamay-ari umano ang JIA HAI KE 7. Hindi rin umano umalis ang barko mula nang matukoy ang presensya nito noong Setyembre 28.

“A government law enforcement ship moving to shield a supposedly private research vessel conducting illegal MSR in another country’s EEZ raises serious questions about who JIA HAI KE 7 is really working for,” ani Tarriela.

Samantala, nagsagawa rin ng Maritime Domain Awareness flight ang PCG Islander 251 na lumipad mula Basco Airport at ilang beses na umikot sa lugar upang suportahan ang operasyon.

As of alas-11 ng umaga, nananatili umano ang BRP Teresa Magbanua sa layong 37 nautical miles mula sa Itbayat at nasa 500 yarda mula sa JIA HAI KE 7 upang harangin ang operasyon nito at paalisin sa karagatan ng Pilipinas.

Kinumpirma rin umano ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang ibinigay na pahintulot sa JIA HAI KE 7 para magsagawa ng naturang aktibidad.

Tiniyak ng PCG na magpapatuloy ang kanilang operasyon hanggang tuluyang umalis sa karagatan ng bansa ang Chinese research vessel. (AC)