WebClick Tracer

Panukalang social media safety act umusad sa Kamara

Inaprubahan ng House Committee on Appropriations, na pinamumunuan ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing, ang mga budget provision ng isang substitute bill na naglalayong protektahan ang mga bata sa social media at online gaming platforms.

Layunin ng substitute bill na lumikha ng isang tanggapan sa ilalim ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na responsable sa pagtatakda ng mga safety standard at regulatory measure para sa online protection ng mga bata.

Sa ilalim ng panukala, tutukuyin ng DICT ang organizational structure at staffing pattern ng panukalang tanggapan, na sasailalim sa pagsusuri at pag-apruba ng Department of Budget and Management at alinsunod sa mga umiiral na batas, alituntunin, polisiya, at regulasyon.

Pinagsama-sama ng panukala ang 42 House bill, kabilang ang proposed Children’s Social Media Safety Act (House Bill 9965) na inakda nina Speaker Faustino Dy III, Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, at Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos.

Sinabi ni Pasig City Rep. Roman Romulo, ang nagtulak ng panukala sa deliberasyon ng Appropriations panel, na isa sa mga pangunahing concern na tinutugunan ng panukalang batas ay kung paano maipatutupad nang mahusay at epektibo ang mga hakbang para sa kaligtasan ng mga bata.

“The only way is to have a focused office which will take a look really at what is happening online. That is the only way to protect our children,” sabi ni Romulo.

Kinilala ni Romulo kung paano binago ng Internet, social media, at digital learning platforms ang paraan ng pag-aaral at pakikipagkomunikasyon ng mga bata, habang nagbabala sa mga panganib na maaaring idulot ng mga espasyong ito sa kanilang development at well-being.

Sinabi ni Malasakit@Bayanihan party-list Rep. Girlie Veloso, isa sa mga may-akda ng panukala, na hindi sapat na mga magulang lamang ang umaako sa responsibilidad para sa online safety ng mga bata.

Iginiit ni Veloso ang pangangailangan ng isang sapat ang pondong sistema upang mapilit ang digital platforms na magpatupad ng mga safeguard na naaangkop sa edad, palakasin ang privacy protections, at mapigilan ang digital bullying at harassment.

“The agencies that will carry out these responsibilities must have the institutional and budgetary capacity to enforce the standards, educate families and children, coordinate with platforms and respond when harm occurs,” sabi ni Veloso.

“Ultimately, this measure is about ensuring that, as children become increasingly present in the digital world, our systems of protection are able to keep pace,” dagdag pa ng lady solon. (Billy Begas)